NO ELECTIONS AMOY NA AMOY!
Sa magkasunod na pagsingaw ng Oplan: August Moon na diumano’y isang uri ng ‘self coup’ ng pamahalaang Arroyo at ang biglaang pagguho ng plantsado na sanang poll automation sa Mayo 2010, tuluyan nang umalingasaw ang kinatatakutang ‘no elections’ scenario.
Ayon kay Bayan Muna partylist Rep. Teddy Casiño, ang umano’y unti-unting pagbagsak ng poll automation project, ang twin bombings sa Quezon City at ang Oplan August Moon plot ay mga indikasyon na talagang walang balak ang Pangulong Arroyo na tapusin ang kanyang termino sa 2010.
“These scenarios were all aimed at creating the conditions for giving Arroyo authoritarian powers or extending her term beyond 2010,” pahayag ni Casiño kahapon.
Aniya, dapat maging vigilant ang mga mamamayan hindi lamang sa isinusulong na Constituent Assembly (ConAss) bilang pamamaraaan ng pagbabago ng Saligang Batas kundi dapat umanong magmatyag din tayo sa mga galaw ng Malacañang sa susunod na mga araw.
“We should be on guard not only with ConAss but the other Palace-concocted scenarios. We must be extra vigilant for a no elections (no-el) scenario or a brewing coup plot that would prolong PGMA’s powerhold beyond 2010,” ani Casiño.
Nagbabala rin kahapon ang Nacionalista Party (NP), partido ni Sen. Manny Villar, isa sa presidential aspirants sa 2010, na ang hindi inaasahang pag-atras ng local partner ng Smartmatic, ang Total Information Management (TIM), na ikinaguho ng automation ng nalalapit na halalan ay posibleng bahagi pa rin ng “malaking plano” para malusaw ang eleksyong tatapos sa termino ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
“Considering elections are very near, the Comelec might have no time to prepare even for manual elections as it has been gearing to implement automated polls,” ani NP spokesman ex-Cong. Gilbert Remulla.
“Now the Comelec can simply say we cannot push through with the elections because we are not prepared for manual elections,” dagdag pa nito.
Aniya, marami pang maaaring idahilan ang administrasyon para sa pagpapaliban ng eleksyon tulad na lamang ng pagdadahilan na maaaring hindi pa handa ang mga guro sa pagganap ng tungkulin sa manual elections.
Bunga nito, nanawagan din ang NP sa mamamayan, lalo na sa mga first-time voters, na maging mapagmatyag sa mga darating na linggo dahil sa posibleng niluluto na ng Malacañang ang pagdiskaril sa 2010 elections.
Hindi rin inaalis ni Sen. Panfilo Lacson ang “no elections” scenario at pinaniniwalaan nitong bahagi ng planong ito ang bombahang nagaganap sa Mindanao, sa Metro Manila at sa iba pang bahagi ng bansa.
“Walang makikinabang sa mga kaguluhang tulad ng pagbobomba sa Metro Manila kundi ‘yung gustong mag-create ng scenario ng destabilization para may dahilang magdeklara ng Martial Law or emergency rule para manatili sa puwesto,” ani Lacson na nagsabi pang isa rin sa maaaring plano ay ibintang pa sa oposisyon o sa mga rebelde ang mga kaguluhang ito.
Tila hindi naman nagkamali si Lacson dahil kahapon ay itinuturo na nga ng Malacañang, sa pamamagitan ni Press Sec. Cerge Remonde, ang pinagsanib na puwersa ng maka-kanan at maka-kaliwang rebelde na diumano’y nasa likod ng destablisasyon laban sa pamahalaan.
Ani Remonde, mismong intelligence officers ng pamahalaan ang nagbunyag na dalawang grupo ng leftist at rightist personalities ang nasa likod nito at hindi umano nila isinasantabi ang posibilidad na may sangkot na mga retired generals at mga anti-ConAss (Constituent Assembly) groups.